Hindi nagkataon lamang na habang nagpipilit akong tapusin ang presentation para sa isang speaking engagement sa Biyernes tungkol sa krisis pang ekonomya ay nabasa ko ang news article na ito sa internet. Tugkol ang artikulo sa isang manggagawang Pinoy o OFW sa Australia na sinibak sa trabaho dahil nagdadala sya ng isang boteng tubig tuwing gumagamit ng kubeta.
Ang insidenteng ito, kung hindi lamang dahil sa kakatwang dahilan, ay mananatiling stadistika na lamang sa harap ng inaasahang 200,000 na mawawalan ng trabaho diumano dahil sa global economic crisis na libo-libo pa na hindi bibigyan ng o ihohold angbenepisyo, hindi tataasan ang sweldo atbp. klase ng panggigipit.
Tumatagos daw ito sa isyu ng hygiene at serious health risks ng iba pang nagtratrabaho sa opisinang iyon na gumamit ng tubig para maghugas pagkatapos maglabas ng sama ng loob sa kubeta. Sa mga unyonista ng Australia, ito ay isang kaso ng rasismo (“tingnan lang nila kung sila din ang mapunta sa ibang bansang walang toilet paper”) na karaniwan sa bansang dahil sa malawakang diskriminasyon sa indigenous populationo aborigines.
Second class citizens nga ang turing sa dating nakatira sa Australia bago ito makolonisa, ano pa ang pagtingin sa mga manggagawa mula sa atrasadong bansang tulad ng Pilipinas?
Pero hindi ito awayan sa pagitan ng mamamayan ng dalawang bansa.
Hindi naman kaila sa mga Pilipino ang sitwasyon ng mga milyong milyong Pilipinong manggagawa sa ibang bansa at mga migrante. Mula sa mga abusadong employers, hindi magandang work environment, walang benepisyo, huli ang sweldo, hanggang sa immeasurable social costs nito.
May labor export policy na ipinatutupad ang gubyernong Arroyo. Ang polisiya na dati ay isa lamang stop-gap measure para panandaliang masapatan ang kakulangan ng trabaho sa domestic economy noong 1970s ay isa na ngayong lifeline – para sa gubyernong humaharap sa malawak na disgusto ng mamamayan sa usapin g kabuhayan at para sa nanay o tatay na wala ng option kundi mangibang bansa para mapag-aral ang anak nyang nakapasa nga ng UP pero P23,000 ang binabayarang tuition per semester.
Agresibo ang gubyerno dito dahil hindi makalikha ang domestic economy ng produktibong mga trabaho dahil sa nanatiling bansot ang kanyang agrikultura at industriya. Ang pagpapatupad ng estado ng polisiya ng globalisasyon ayon sa dikta ng IMF-World Bank sa loob ng apat na dekada ay nagpapalala pa sa atrasadong ekonomya na minana pa natin ng tayo ay tinanggalan ng tanikala sa paa ng US pero nanatiling nakasakal pala ito sa ating leeg sa pamamagitan at iba’t ibang neo-colonial souvenirs.
Mahaba ang kwento. Pero ang punto, kung ang gubyerno ay sinsero sa pagpapaunlad ng domestic economy na para sa kapakanan ng kalakhan ng mamamayang Pilipino simula’t sapul pa, hindi sana nakaasa ang mga Pilipino sa mga trabaho sa ibang bansa para magkaroon ng disenteng pamumuhay. Hindi sana nakaasa, at tuloy ay nagiging bulnerable ang ekonomya, sa exports at foreign direct investments na hindi naman nagiging daan para mag-industrialize ang local economy at sa external sources of financing (remittances, utang, aid) para masabi lamang na gumugulong pa ito. Hindi sana. Pero kung uugatin natin ito:
Sa kaninonng interes ba nagsisilbi ang gubyernong ito?
Sya, tapusin na ang presentation lalo’t para ito sa mga kabataan na pinakamalawak na balon ng apoy ng ideyalismo para baguhin ang kasalukyang sistema para sa isang makatarungang lipunan na maaaring hindi na nya matatamasa pero matatamasa ng kanyang anak o apo o apo ng kanyang apo.
Maaari ding bumisita sa www.ibon.org